Mormons sumusuporta sa malawakang pagbabakuna ng DOH kontra tigdas
http://policeheadlines.blogspot.com/2014/08/mormons-sumusuporta-sa-malawakang.html
Nagpahayag ng suporta ang simbahang The Church of Jesus Christ of Latter Day Saints o mga Mormons sa malawakang pagbabakuna na ilulunsad ng Department of Health sa Dagupan City sa buwan ng Setyembre.
Ayon sa tagapagsalita ng mga Mormons mula sa public affairs ng nasabing simbahan na kinatawan nina Atty. Vendio Ventenilla at Rhyzza Ventenilla handing magkaloob ng volunteer ang kanilang simbahan na sasama sa team ng DOH na gagalugad sa iba’t-ibang barangay upang hanapin ang mga batang may edad limang taon pababa na target ng nasabing pagbabakuna.
Sa ginanap na orientation seminar kaugnay ng nasabing proyekto ng DOH na pinasimunuan ni Dr. Wilda Silva ng DOH Region I, sinanay nila ang kanilang staff para sa malawakang kampanya at malaman nila ang kanilang gagawin.
Ayon kay Atty. Ventenilla bukod sa mga volunteers,m iniaalok din nila ang kanilang simbahan na gamitin ng DOH bilang vaccination post sa mga lugar o barangay na walang lugar na paggaganapan ng nasabing pagbabakuna.
Sa isinagawang training nagsalita rin si Mayor Belen Fernandez ng siyudad ng Dagupan at hiniling nito sa DOH na kung maari “walang sinomang bata ang maiiwan sa nasabing pagbabakuna” dahil ayon sa kanya ito ang programa ng kanyang pamunuan na walang kaso ng tigdas na mangyayari sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Si Mayor Belen Fernandez at mga kinatawan ng DOH habang ipinapakita ang streamer ng malawakang programang pagbabakuna na ilulunsad nila sa buwan ng Septyembre. |
Nagpasalamat din ang alkalde sa kabutihang loob ng mga Mormons na ayon sa kanya ay lagging tumutulong tuwing nagkakaroon ng programa ang city government.
Ilang organisasyon din ang nagpahayag ng suporta sa programa na ito ng DOH kanilang na rito ang Pangasinan Medical Society na pinamumunuan ni Dr. Betha Fe Castillo at ang Philippine Pediatrics Society Pangasinan Chapter na pinamumunuan naman ni Dr. Cherry Beltran.
Ang mga pangulo ng nasabing asosasyon na dumalo din sa orientation seminar ay parehong nag-alok ng anumang tulong sa kampanya kontra tigdas kasabay ng kanilang pagsasabi na naniniwala silang maraming mga batang matutulungan sa malawakang pagbabakuna na ito.
Ang nasabing mass immunization ay ilulunsad ng DOH sa buwan ng Setyembre sa buong bansa.
Hinikayat din ni Dr. Beltran ang mga magulang na dalhin ang kanilang anak upang mabakunahan kaysa dalhin ang mga ito sa pribadong doctor kung may sakit na ang mga ito at mahirapan sa mataas na bayarin sa pagpapagamot.